Saturday, December 21, 2024
Search
Close this search box.

Flatmate Chronicles – Episode 2

Hindi lubos maisip ni Julia na charger lang pala ang pakay ni Daryl sa gabing iyon. Sa kanyang isipan, may mas malalim at makabuluhan sanang nangyari sa pagkakataong pumasok si Daryl sa kanyang kwarto.

Lumipas ang mga araw… Usual routine pa rin sila sa kanilang flat, kain, kwentuhan, nood ng tv, tawanan at kung ano ano pa.

“Kelan kaya matatapos ang pandemic na ito, para makabalik na rin tayo sa trabaho” Tanong ni Alex…

Si Alex ay ang pangatlong nangungupahan sa flat sa Al Khuwair na kasama nina Julia at Daryl.

“Malapit nang maubos ang ipon ko…” sagot ni Daryl

“Konting tiis pa…” tugon naman ni Julia

Lingid sa kaalaman nina Daryl at Julia, napapansin na ni Alex ang namumuong pagtitinginan ng dalawa. At syempre dahil sila ang involve, hindi nila ito namamalayan, natural lang sa kanilang dalawa na magtawanan, magkurutan, magsikuhan habang nanonood ng mga Koreana novela.

Hindi pa rin inaamin ng isa’t isa ang kanilang nararamdaman. Baka may naimbento ng bakuna sa COVID-19 ay hindi pa rin nila ipinagtatapat ang kanilang mga nararamdaman sa bawat isa.

Isang araw, nagtitili si Julia sa kanyang kwarto, isang text message ang kanyang natanggap na syang dahilan ng labis na tuwa.

Tuwa na walang mapagsidlan, tuwa na animo’y naka jackpot sa lotto.

Ito na nga kaya ang pagtatapat ni Daryl, ito na nga kaya ang text message na susi sa mas malalim pang pagtitinginan, ito na nga kaya ang text message na syang dahilan upang mabago ang ikot ng mundo nilang dalawa?

Ito na nga ba ang text message na magpapalaya sa kanilang mga damdamin?



“Ano yan Julia, tumahimik ka nga, tili ka ng tili dyan…”  Naiinis na sigaw ni Alex mula sa kabilang kwarto

Habang si Daryl naman ay tahimik lang sa pagkakaupo sa kanilang sala na nanonood ng tv.

Pigil na pigil si Julia, gusto na nyang kausapin si Daryl tungkol sa natanggap nyang text message…

Papalubog na naman ang araw, at unti unti na namang sumasapit ang gabi.

Maagang na full charge ang selfon ni Daryl at naisipan nyang ibalik na ng mas maaga ang hiniram na namang charger.

Inaayos nya ang charger cable, yung bang pagkakaayos ay parang yung galing lang sa box na bagong bili.

Kumatok si Daryl sa pintuan ng kwarto ni Julia…

“Pasok…” tugon ni Julia na unti unti na namang kumakabog ang kanyang dibdib, dahil simula palang nung matanggap nya ang text message ay gusto na nyang kausapin si Daryl.

Pumasok si Daryl at inabot lang ang charger kay Julia na parang wala lang…

“Salamat, pasensya na di pa ako nakabili ng charger…” nakangiting sabi ni Daryl

“Daryl, okey lang…anytime, hiramin mo lang” tugon naman ni Julia

(Nako naman Julia! Ikaw talaga, charger ang puhunan…)

Bago pa man makaalis si Daryl…

“Daryl! we need to talk” pa english na paghihinto ni Julia kay Daryl

Nagkaroon na ng lakas ng loob si Julia at pag-usapan ang text message

“Narinig nga kita kanina na nagtitili dahil sa text message…” tugon ni Daryl na may halong palabirong ngiti.

Dinampot ni Julia ang selfon na nasa ibabaw ng kanyang kama at dahan dahan lumapit sa nakatayong Daryl malapit sa pintuan.

Diresto lang ang lakad nyang papalapit kay Daryl…

Unti unting naglalapit ang kanilang mga katawan, bahagyang itinaas ni Julia ang kamay, na akmang hahawakan ang mga kamay ni Daryl, lumagpas ang kamay ni Julia, hinatak ang pintuan upang maisara. Kinandado!

“Sssh…. Wag kang maingay…” pabulong ni Julia kay Daryl

Gulat na gulat si Daryl sa mga pangyayari, hindi sya handa kung saan man mapunta ang moment na ito, sarado at nakalock  na ang pintuan at nakatayo silang dalawa sa gitna ng kwarto ni Julia, magkaharap.




Inunlock ni Julia ang kanyang selfon, binuksan ang natanggap na text message at unti unti nyang inilapit kay Daryl para mabasa nya ito ng husto.

Hindi alam ni Daryl kung anong ang kanyang gagawin, nakatulala sya habang pinagmamasdan ang papalapit na selfon na hawak ng kanang kamay ni Julia…

Huminto ang paglapit ng selfon ni Julia… Tila ba’y nagising si Daryl at finally nagkaroon na rin ng oras para macompose ang sarili…

Dahan dahan nyang hinawakan ang kamay ni Julia na may hawak ng selfon.

Binasa ang text message….

Nagningning ang mga mata ni Daryl…

“Sssshhh!” Na tila ba’y ayaw ni Julia na malaman ng sinuman ang laman ng text message…

“Wag kang maingay, maririnig tayo ni Alex” sabi ni Julia.

Binasa ulit ni Daryl ang text message, at ang laman ng text message…

“Your DOLE AKAP payment is ready for collection from any of Joyalukkas Exchange branches…”

…..

Abangan ang huling kabanata at pagtatapos ng kwentong ito sa susunod na linggo…

Sa mga hindi nakabasa sa Episode 1: https://www.facebook.com/juaninoman/posts/626813657976257

Ang mga karakter, lugar at mga pangyayari sa kwento ay pawang walang katotohan at kathang isip lang…

 

Share this post